
Mahirap tong gagawin ko...pero susubukan bago magbago ang aking isipan...
Laking gulat ko na lang nang makita ko ang "Paalam, Kiko" na nakasulat sa telebisyon sa isang tindahan nung pauwi ako ng bahay. Nung napadaan ako sa
multiply site niya nung isang buwan, walang pahiwatig na siya ay nanghihina. Patuloy pa rin siya sa paggawa ng musikang Pinoy, kasama si Ely Buendia. Kahit silang dalawa ay may sakit, at siya labas pasok sa ospital. Grabe. Wala siyang pagod. Walang tawad sa pagsunod sa tawag ng sining at kultura [naaaks! ako ba ito?!]. Nang nakita ko ang balita, pinaaalala ko sa sarili ko na una kong gagawin pagdating ng bahay ay buksan ang telebisyon at ang
computer para makasiguro sa balitang nakita ko. Pagdating ko ng bahay, kumpirmado. Di siya gawa ng aking guni-guni, o ng aking tulirong imahinasyon.
Bata pa lang ako, sobrang aliw na talaga ako kay Francis Magalona. Di lamang dahil sa kanyang guwapo at maamong mukha, pero naaaliw ako sa ideya na tinatawag ng mga tito at tita ko ang kapatid kong si Myko na "Kiko" dahil magkahawig daw sila. Bigla kong hinanap ang
Photo Album niya. Sa kasawiang palad, di ko na mahanap ang mga
solo baby pictures niya. Maliban sa litrato na ito na kasama ako at sina Mama at Leeroy, na kakalabas lamang sa mundong ibabaw:

Si Myko ang batang LALAKE na nakapula. Bahala na kayong humusga kung tama ang mga tito at tita ko o sadyang nagdidiliryo lamang sila nung mga panahon na yun...
Balik sa usapan. Nawala siya ng ilang taon sa sirkulasyon, ngunit nang nagbalik, pinakilala niya sa bansa ang musikang
rap, at simula noon, siya'y nabansagang
King of Pinoy Rap, Francis M, at
Master Rapper. Sino ang makakalimot sa
Mga Kababayan Ko?At siyempre, nasundan pa ito ng marami pang kanta na di lamang tungkol sa pag-ibig [
Cold Summer Nights...tama ba ako?], pero pati na rin tungkol sa politika at sa ating bansa. Dito ako mas lalong humanga sa kanya. Biruin niyo, anak siya ng mga beteranong artista na naging haligi ng pinilakang tabing, ipinanganak at lumaking burgis, nag-aral sa San Beda,
a man from Manila, ika nga ng isa sa kanyang mga kanta, pero heto siya at buong pusong pinagsisisigawan sa mundo na ipinagmamamalaki niya ang kanyang pagiging Filipino. Nahiya naman tuloy ako. Buti pa siya. Ako, kelan kaya?
Hindi lamang siya sa musika nakikilala, pati rin pinilakang tabing, sa telebisyon, sa potograpiya, at pati na rin sa pangangalakal, sa pamamagitan ng kanyang
3 stars & a sun clothing line. Bukod sa kanyang karera at pagmamahal sa sining, sino bang di mamamangha sa kanyang buhay pamilya? Sobrang bow ako sa kanya bilang isang asawa at ama. Sa mukhang tulad niya na di ka magtataka kung magpapapiyak siya ng babae, o maging pabaya sa mga anak, yun ang isang bagay na di natin narinig sa mga balita. Naalala ko sa isang
interview niya sa isang programa nung 1990s, sabi niya kinunan na niya ng
college insurance ang kanyang mga anak. Sinigurado na niya ang edukasyon nilang walo. Bigla kong napagtanto, kung itong taong ito na alam natin ay hindi nakaranas ng hirap at kawalan, ay marunong din maghanda, ano pa kaya tayo na kailangan pa nating magbanat ng buto para lamang mabili ang mga pangangailangan sa araw-araw?
Nang ibinalita niya na siya ay may
leukemia, hindi ito naging hadlang sa kanya bilang isang
artista. Pinatunayan niya na kahit mahirap ang pagdadaanan niya, alam niyang malalampasan niya ang mga ito. Kung babasahin ng maigi ang kanyang mga isinulat sa kanyang
blog, wala itong halong pag-aalala, o kalungkutan man lang. Lagi itong may tonong may maririnig pa tayo na balita galing sa kanya mismo.
At ngayong tuluyan na siyang nawala, sino kaya ang susunod sa yapak niya? Meron kayang maglalakas loob na maging bagong
siya?Isa talaga siyang malaking kawalan. Di lamang sa mundong ginagalawan niya, pero sa sining, sa kabuuan. Pero, sabi nga nila, ang mga tunay na artista, hindi nalalaos. Pag biglang nawala, alam na natin ang dahilan...
At yun nga ang kanyang naging tadhana.

PS: Hindi talaga madaling magsulat ng Tagalog!!! Hindi ko alam kung kailan mauulit ito, pero sana nga maulit pa!*peace sign*